
Ilang pangalan na lumitaw sa acknowledgment receipts kaugnay ng ₱125 milyong confidential funds ng Office of the Vice President ang iniharap ng prosekusyon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Bukod kay Mary Grace Piattos, binanggit din ang mga pangalang Renan Piattos, Mico Harina, Nova Santos, Janice Marie Revilla, Patty Ting, Andy Lim, Alejandro Pikit, Feonna Biong, Sisfrunio Balsac, at Gabriel Bisaya bilang mga nakalista sa mga resibo na isinumite sa Commission on Audit para sa liquidation ng pondo.
Ayon kay dating Commission on Audit-Intelligence and Confidential Funds Audit Office State Auditor Roderick Wamil, may ilang transaksyong hindi umano tumugma sa itinakdang alituntunin sa paggamit ng confidential funds.
Kabilang dito ang ilang halaga na inilabas para sa umano’y pagbili ng gamot at iba pang gastusin, pati mga resibong may petsang hindi umano saklaw ng alokasyon ng confidential funds para sa 2022.









