Pinayagan ng Senate impeachment court nitong Lunes ang hiling ng House prosecution panel na maglabas ng subpoena para makuha ang bank records, Anti-Money Laundering Council (AMLC) records, at ilang tax records ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng nagpapatuloy na impeachment trial.

Binasa ni Senate President at presiding officer Senator-Judge Francis “Chiz” Escudero ang desisyon sa ikapitong araw ng paglilitis kay Duterte.

Ayon kay Escudero, nakita ng hukuman na ang mga hinihinging dokumento ay malinaw na tinukoy, madaling matukoy, at may paunang kaugnayan sa mga alegasyong nakapaloob sa Article 2 ng Articles of Impeachment.

Kasama rin sa ipinag-utos na ilabas ang mga rekord na may kaugnayan kay Duterte at sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.

Ipinaliwanag ni Escudero na pinayagan ang pagsusuri sa mga rekord ni Carpio dahil sa umiiral na property regime ng mag-asawa na nagtatakda ng absolute community of property, kung saan itinuturing na magkatuwang na pag-aari ang mga pondong sakop ng kanilang pagsasama maliban kung may ibang kasunduan.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ng presiding officer na ang desisyon ay para lamang sa pagpapalabas ng mga rekord at hindi awtomatikong nangangahulugan na tatanggapin ang mga ito bilang ebidensiya.

Kailangan pa ring patunayan ng prosekusyon ang kaugnayan ng mga rekord sa alegasyon ng umano’y unexplained wealth.

Pinayagan din ng impeachment court ang subpoena sa bank records ng 19 sa 21 corporate entities na hiniling ng prosekusyon matapos makita ang umano’y kaugnayan ng mga ito kay Duterte batay sa General Information Sheets, Articles of Partnership, at kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Gayunman, tinanggihan ng hukuman ang kahilingan para sa bank records ng JTC Group of Companies at Pikimong Pikimong Philippines Corporation dahil hindi umano napatunayan ng prosekusyon ang direktang ugnayan o interes ni Duterte o ng kanyang asawa sa mga naturang kumpanya.

Nauna nang tinutulan ng kampo ni Duterte ang subpoena para sa kanyang bank at tax records.