
Papasok na sa yugto ng plenary deliberations sa Kamara ang usapin ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte matapos pagtibayin ng House justice committee ang pagkakaroon ng probable cause.
Ayon kay Bicol Saro Partylist Representative Terry Ridon, inaasahang maisusumite sa lalong madaling panahon ang committee report kasama ang pinagsamang Articles of Impeachment mula sa dalawang reklamong inihain laban sa Pangalawang Pangulo.
Sa oras na maihain sa plenaryo, pagdedebatehan ito ng mga mambabatas bago isailalim sa botohan.
Kinakailangan ang hindi bababa sa 106 boto o isang-katlo ng 318 miyembro ng Kamara upang maipasa ang impeachment at maipadala ang kaso sa Senado.
Sinabi ni Ridon na nakalikom na ng 53 boto ang justice committee pa lamang, indikasyon umano na may sapat na suporta ang hakbang laban sa Bise Presidente.
Kabilang sa mga isyung tinalakay sa mga pagdinig ang umano’y iregularidad sa paggamit ng confidential funds, mga kuwestiyonableng dokumento, at ulat mula sa Commission on Audit (COA), Anti-Money Laundering Council (AMLC), National Bureau of Investigation (NBI), at Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa sandaling maaprubahan sa plenaryo, ipapadala sa Senado ang Articles of Impeachment kung saan isasagawa ang paglilitis.
Inaasahan naman na mabibigyan ng kopya ng mga dokumento ang kampo ng Bise Presidente bilang bahagi ng due process bago ang botohan.
Kung maipapasa, ito ang susunod na hakbang sa nagpapatuloy na proseso ng impeachment laban kay Duterte.









