Nasagip ng mga awtoridad ang dalawang menor de edad na babae sa Angeles City, Pampanga matapos mabunyag na ibinebenta ng kanilang sariling ina ang malalaswang larawan at video nila online.
Ayon sa ulat ng Philippine National Police – Women and Children Protection Center (PNP-WCPC), mismong ang ina ang kumuha ng mga sensitibong larawan ng kanyang mga anak at ibinenta ito kapalit ng halagang ₱2,500 hanggang ₱3,000 kada transaksyon.
Agad isinagawa ang rescue operation matapos makatanggap ng ulat hinggil sa umano’y online sexual exploitation ng mga bata.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na may kaugnayan umano ang ina sa isang dayuhan na siya rin daw nagturo ng paraan kung paano pagkakakitaan ang paggawa at pagbebenta ng ganitong klaseng content.
Ayon kay PLT. COL. Armelina Manalo ng PNP-WCPC Luzon Field Unit, maraming kaso ng online exploitation sa mga bata ay nanggagaling mismo sa mga magulang na naiimpluwensyahan o natuturuan ng mga banyagang karelasyon.
Nasa pangangalaga na ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang dalawang biktima, habang patuloy ang pagtugis sa suspek.
Tiniyak ni PBGEN. Portia Manalad, hepe ng PNP-WCPC, na may kaakibat na psychological support ang mga batang biktima upang maibsan ang trauma.
Nanawagan din ang pulisya sa publiko na agad magsumbong sa mga otoridad kung may nalalaman o nararanasang anumang uri ng pang-aabuso.