Ipinihayag ni US President Donald Trump na nasa “massive life support” na ang umiiral na ceasefire sa pagitan ng United States at Iran matapos lumala muli ang tensyon ng dalawang bansa.

Sa pahayag ni Trump sa Oval Office, sinabi niyang nananatili pa ang ceasefire ngunit ito ay “unbelievably weak.”

Nauna rito, nagsumite umano ang Iran ng counter-offer sa US bilang bahagi ng negosasyon upang tuluyang matigil ang giyera at muling mabuksan ang Strait of Hormuz.

Tinawag naman ni Trump na “totally unacceptable” at “piece of garbage” ang naturang proposal ng Iran.

Kabilang umano sa mga hinihingi ng Tehran ang agarang pagtigil ng giyera sa lahat ng front, pagwawakas ng US naval blockade sa Iranian ports, at garantiya na wala nang panibagong pag-atake laban sa Iran.

-- ADVERTISEMENT --

Humihingi rin umano ang Iran ng kompensasyon para sa pinsala dulot ng digmaan at pagkilala sa soberanya nito sa Strait of Hormuz.

Bilang tugon, sinabi ng foreign ministry spokesperson ng Iran na si Esmail Baghaei na “responsible” at “generous” ang kanilang proposal at handa ang Tehran na gawin ang anumang kinakailangan upang maprotektahan ang kanilang interes.

Iginiit din ni Trump na hindi kailanman papayagan ng US na magkaroon ng nuclear weapon ang Iran.