
Dumating na Islamabad, Pakistan ang delegasyon ng Iran bago ang mahalagang negosasyon sa Estados Unidos na gaganapin kaugnay ceasefire na napagkasunduan ng dalawang bansa ngayong linggo.
Inaasahang makikipagpulong kina US Vice President Vance, special envoy Steve Witkoff, at manugang ni US President Donald Trump na si Jared Kushner ang delegasyon ng Iran bukas ng umaga para sa mga usapang pinamamagitan ng Pakistan upang wakasan ang digmaan.
Layunin ng magkabilang panig na makabuo ng pangmatagalang kasunduan upang tuluyang matigil ang labanan.
Ang negosasyon ay magaganap wala pang isang linggo matapos pumayag ang U.S. na ihinto ang operasyong militar sa loob ng dalawang linggo kapalit ng muling pagbubukas ng Iran sa Strait of Hormuz.
May mga katulad na usapan na dati nang ginanap sa pamamagitan ng Oman, ngunit hindi nagtagumpay dahil sa hindi pagkakasundo hinggil sa nuclear program ng Iran.
Matagal nang iginigiit ng U.S. na hindi dapat payagan ang Iran na magpayaman ng uranium o magkaroon ng nuclear weapon bagay na hindi handang sang-ayunan ng Iran.
Ang dalawang linggong tigil-putukan na inanunsyo ni Trump noong Martes ay nanganganib na agad masira matapos ang patuloy na pambobomba ng Israel sa mga target ng Hezbollah na sinusuportahan ng Iran sa Lebanon.
Una rito, nagbabala si parliament speaker Mohammad Baqer Qalibafna ng Iran na walang magaganap na negosasyon sa U.S. kung hindi titigil ang mga pag-atake sa Lebanon at kung hindi ibabalik ang mga pinigil na ari-arian ng Iran.
Inakusahan din niya ang U.S. ng paglabag sa 10-point peace proposal.










