Sa unang pagkakataon, lalahok ang 300 sundalo mula sa Japan Ground Self-Defense Force sa taunang Salaknib military exercises kasama ang Philippine Army at United States Army Pacific sa darating na Abril.

Ayon kay Philippine Army chief Lt. Gen. Antonio Nafarrete, ang Salaknib ay isang bilateral exercise ng Pilipinas at Estados Unidos, ngunit ngayong taon ay makikibahagi na rin ang Japan sa iba’t ibang pagsasanay.

Tututok ang exercise sa infantry combined-arms operations, pati na rin sa humanitarian assistance at disaster relief.

Layunin ng Salaknib na palakasin ang kahandaan sa depensa, pagbutihin ang koordinasyon ng mga puwersa, at patibayin ang ugnayan ng mga bansang kalahok.