
Nagpahayag ng pagkaalarma si Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa umano’y pahayag ni Sara Duterte na hindi siya marunong gumamit ng computer at ginagamit lamang ito para sa online meetings.
Sa isang ambush interview sa sa Cebu City, sinabi ni Castro na nakababahala ito lalo pa’t may ambisyon ang Bise Presidente na maging susunod na pangulo ng bansa.
Ayon kay Castro, kung hindi bihasa sa paggamit ng computer, maaaring makaapekto ito sa kakayahan sa paggawa ng mahahalagang desisyon, lalo na sa mga modernong tungkulin sa gobyerno.
Binanggit din niya na maaaring may ibang tumutulong o “tagapindot” sa paggamit ng mga kagamitan ang Bise Presidente.
Dagdag pa ni Castro, nauna na umanong inamin ni Duterte noong siya ay kalihim ng Department of Education (DepEd) na hindi niya kayang i-review nang buo ang MATATAG Curriculum.
May mga nauna ring pahayag umano ang Bise Presidente na wala siyang alam sa ilang proseso at limitado lamang sa pagbibigay ng direktiba.
Wala pang pahayag si VP Sara Duterte hinggil sa naturang mga akusasyon sa oras ng paglalathala.









