Pansamantalang nakalaya nitong Sabado ng hapon si social media personality Franco Mabanta at ang apat pa niyang co-accused matapos makapagpiyansa kaugnay ng kasong robbery extortion.

Ayon sa ulat, lumabas ang grupo mula sa detention facility ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Muntinlupa bandang 5:30 p.m. matapos makumpleto ang mga kinakailangang dokumento.

Nauna nang nagpalabas ng release order ang Pasig City Regional Trial Court Branch 167, matapos payagan ang kanilang piyansa na nagkakahalaga ng ₱120,000 bawat isa.

Sangkot ang lima sa reklamong extortion kaugnay umano ng tangkang pangingikil sa dating House Speaker Martin Romualdez.

Bago tuluyang lumabas ng kulungan, nakita pa ang mga akusado na nakasuot ng bulletproof vest at sumailalim sa dokumentasyon, kabilang ang pagkuha ng litrato at video ng NBI.

-- ADVERTISEMENT --

Dumalo rin sa NBI detention facility ang ilang kaanak at abogado ng mga akusado.

Ayon sa ama ni Mabanta na si Roger Mabanta, hindi siya naniniwala sa mga paratang laban sa kanyang anak, bagama’t inamin niyang hindi perpekto ang relasyon nila.

Giit naman ng kanilang abogadong si Atty. Bernice Piñol-Rodriguez, ginagamit lamang ng kanilang kliyente ang karapatang makapagpiyansa at inaasahan nilang mapapatunayang inosente ang mga ito sa kalaunan.