
Bukod kay Senador Jinggoy Estrada, kinumpirma ng Sandiganbayan na nakapagpiyansa na rin si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa kasong graft kaugnay ng flood control scam.
Ayon sa Clerk of Court, tig-P90,000 ang halaga ng piyansa para sa graft case nina Estrada at Bonoan.
Pasado alas-sais ng gabi nitong Biyernes, Mayo 29, naman nang halos magkasunod na lumabas ng gusali sina Estrada at Bonoan, ngunit muli silang tumangging humarap sa media.
Samantala, bukod sa warrant of arrest, nagpalabas din ng hold departure order ang Sandiganbayan laban sa dalawa.
Sinampahan ng Office of the Ombudsman ng kasong plunder at graft sina Estrada at Bonoan gayundin ang ilan pang dating opisyal ng DPWH kaugnay ng milyon-milyong pisong kickback at insertion scheme sa maanomalyang flood control projects.
Naglabas ng warrant of arrest laban sa kanila para sa kasong graft. Wala pang inilalabas na panibagong arrest warrant para naman sa kasong plunder na hindi puwedeng magpiyansa ang mga akusado.










