Tumaas ang bilang ng walang trabaho nitong buwan ng Enero ngayong taon bunsod ng pagbaba ng post-holiday labor demand at economic activity.

Ito ay batay sa resulta ng Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Sinabi ni Deputy National Statistician Divinia Gracia del Prado, ang mga walang trabaho na edad 15 pataas ay tumaas sa 2.96 million noong Enero mula sa 2.26 million noong Disyembre at 2.17 million noong Enero ng 2025.

Sa bilang ng participants sa labor force na 50.89 million, na aktibong naghahanap ng kanilang trabaho sa nasabing panahon, ang bilang ng walang trabaho ay 5.8 percent, mas mataas sa 4.4 percent rate noong Dsiyembre at 4.3 percent nitong buwan ng Enero.

Ito ay nangangahulugan na 58 sa 1,000 individuals ang walang trabaho o livelihood sa nasabing panahon.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Del Prado, ito ang pinakamataas na unemployment rate buhat noong June 2022, na naitala ang 6.0 percent.

Ayon sa kanya, nitong Enero, nasa 306,000 ang nabigo na makahanap ng trabaho, habang 196,000 ang naghihintay ng resulta ng kanilang job applications.

Ipinaliwanag ni Del Prado na karaniwang bumababa ang availability ng job opportunities sa buwan ng Enero, pagkatapos ng pagtaas ng labor demand para makasabay sa seasonal na pagtaas ng economic activities sa “ber” months.

Bumaba rin ang bilang ng employed persons sa 47.94 million noong Enero mula sa 48.49 million noong January 2025 at 49.43 million noong December 2025.