
Nagkaroon ng mainit na diskusyon ang ilang miyembro ng House Committee on Justice sa ikalawang araw ng deliberasyon hinggil sa ikatlong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ang reklamo ay inendorso ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, na naglatag ng anim na batayan sa reklamong isinampa.
Sa deliberasyon, inisa-isa ni Cagayan de Oro Congressman Rufus Rodriguez ang mga batayan ng reklamo, partikular ang ikalawa na may kinalaman sa umano’y plunder, malversation, at graft kaugnay ng P112.5 million sa confidential funds ng Department of Education.
Binigyang-diin niya na hindi maaaring ma-impeach ang Bise Presidente para sa mga alegasyon noong siya ay kalihim ng DepEd at iginiit na walang hurisdiksiyon ang komite sa naturang usapin, kaya iminungkahi ang pag-dismiss ng ikalawa hanggang ika-anim na grounds.
Nagbigay naman ng paglilinaw si Manila Rep. Benny Abante, na ang layunin ng komite ay dinggin ang inihaing impeachment complaints, at hindi agad humatol ng impeachment laban sa Pangalawang Pangulo.
Mariing tinutulan ni Rep. Leila De Lima ang argumento ni Rodriguez, na sinabi niyang saklaw pa rin ng hurisdiksiyon ng komite ang mga alegasyon laban kay VP Sara noong siya ay kalihim ng DepEd.









