Kinoronahan bilang Mutya ng PRISAA 2025 si Cassandra Sofia Tapia ng Region V, matapos talunin ang 13 iba pang kalahok mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa sa ginanap na grand coronation night ng Mutya ng PRISAA 2025, kagabi sa Cagayan Sports Coliseum, Tuguegarao City.

Naging early favorite si Tapia na namayagpag mula sa production number, sportswear segment, evening gown competition, hanggang sa question and answer portion,

Pinahanga ni Tapia ang mga hurado sa taglay na husay sa pagsasalita, lakas ng loob, at angking ganda.

Ang kaniyang tagumpay ay hindi lamang personal na panalo, kundi tagumpay rin para sa buong Region V o Bicolandia na buong pusong sumuporta sa kaniya.

Itinanghal naman na 1st Runner-up si Ma. Kaisha Ann Barrios ng Region VI; 2nd Runner-up si Kylah Mae Dela Peña ng Region VII; 3rd Runner-up si Suchi Kaye Lim Ng Region IV-A; at 4th Runner-up si Nesylvie Dupal Ng Region VIII.

-- ADVERTISEMENT --

Narito ang mga nakakuha ng minor awards:

  • Best in Evening Gown: Kylah Mae Dela Peña – Region VII
  • Best in Talent, at Miss Congeniality: Suchi Kaye Lim – Region IV-A
  • Best in Regional Costume: Ma. Kaisha Ann Barrios – Region VI
  • Best in Production Number: Rose Marie Medina – Region III
  • Miss Photogenic: Kylah Mae Dela Peña – Region VII

Samantala, nakakuha naman ng ilang minor awards ang pambato ng Region 2 na si Ashlee Mae A. Ellorin ng Tumauini, Isabela.

Siya ang nag-uwi ng mga parangal tulad ng Best in Casual Wear, Miss Leones Tailoring Shop, at People’s Choice Award.