
Personal na nagsumite ng kanyang mga counter-affidavit sa Department of Justice (DOJ) si Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga kaugnay ng dalawang reklamong isinampa laban sa kanya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ayon kay Barzaga, ang mga reklamo ay may kaugnayan sa kanyang mga pahayag tungkol sa secession ng Mindanao at sa kanyang talumpati sa isang rally sa Forbes Park noong Oktubre 2025, kabilang ang umano’y pagprotesta nang walang permit.
Iginiit ng mambabatas na saklaw ng kanyang karapatan sa malayang pananalita ang kanyang mga sinabi at binigyang-diin na walang naganap na karahasan sa naturang protesta, kaya wala umanong basehan ang alegasyon ng kriminal na intensyon.
Noong Disyembre, sinuspinde ng House of Representatives si Barzaga ng 60 araw nang walang sahod at allowance matapos siyang mapatunayang guilty ng disorderly behavior kaugnay ng kanyang social media posts.
Sa kabila ng suspensyon, sinabi ni Barzaga na patuloy siyang nakikilahok sa mga lokal na aktibidad at nakikipagpulong sa mga nais makausap siya.










