
Posibleng magmumulta ng hanggang P150 million ang Solar Para Sa Bayan Corp. (SPSB), isang kumpanya na suportado ni Congressman Leandro Leviste, matapos na simulan ng regulators ang imbestigasyon sa umano’y ilegal at mataas na power charges.
Batay sa initial investigation, sinabi ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chair Francis Saturnino Juan, may tatlong paglabag ang kumpanya at ang multa na maaaring ipataw ay P50,000 hanggang P50 million bawat paglabag.
Ang mga paglabag ay kakulangan ng authority to operate, kabiguan na kumuha ng certificate of compliance, at paniningil ng hindi aprobadong electricity rates.
Base sa show cause order, hinihiling ng ERC ang paliwanag mula kay Leviste at sa kumpanya sa maraming reklamo laban sa umano’y mahal na power rates.
Sinabi ng ERC na nagsimulang maningil ng electricity rates ang SPSB sa mga residente ng Paluan, Occidental Mindoro buhat noong 2018.
Iginiit ng ERC na batay sa mandato sa prangkisa ng SPSB na dapat may pag-aproba mula komisyon sa kanilang retail rates bago ang paniningil sa end-users.
Binigyan ng 15 araw ang kumpanya na sagutin ang mga alegasyon.
Inatasan din ito na magsumite ng sample ng consumer bills bawat buwan mula 2018 hanggang sa itinigil ang operasyon nito sa Paluan.
Matatandaan na binigyan ng 25-year non-exclusive franchise ang SPSB noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.










