Naiuwi na rin sa Pilipinas ang mga labi ni Abigail Leste, ang isa pang overseas Filipino worker (OFW) mula Aparri, Cagayan na nasawi sa car accident sa Singapore noong nakaraang linggo.

Alas-11:29 kagabi nang lumapag sa NAIA Terminal 2 ang Philippine Airlines Flight PR 512 lulan ang mga labi ni Leste.

Kaugnay nito, sinabi ni Luzviminda Tumaliauan ng OWWA Region 2 na ipinagkaloob ng LGU Aparri ang sasakyan na magdadala sa labi ni Leste mula NAIA hanggang sa kanilang lugar.

Sinabi pa ng opisyal na may matatanggap na financial at burial assistance ang OFW na P220k mula sa OWWA.

Una nang naiuwi sa bansa ang mga labi ni Arlyn Nucos noong Miyerkules ng gabi.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod kina Leste at Nucos, apat pang Pinoy ang nasugatan sa insidente kung saan dalawa pa ang nananatili sa ospital.

Kritikal pa rin ang kapatid ni Arlyn na si Arceli at ginagamot pa si Egnal Limbauan.

Nagpapahinga lamang sa Lucky Plaza mall ang OFWs nang mabangga sila ng kotse.

Nakakulong na ngayon ang driver ng kotse habang iniimbestigahan ang kaso.