
Hinatulan na makulong ng 20 taon ang isang 38-anyos na lalaki ng Sandakan High Court ng Sabah may kaugnayan sa pagkamatay ng kanyang asawa dahil marahas na pagtatalik.
Napatunayan ng korte na guilty si Mohd Rusdi Mohd Nor, walang trabaho, dahil sa hindi sinasadyang pagkamatay ng kanyang asawa na si Dr Azma Ab Rajab, isang medical officer na noon ay anim na buwang buntis noong November 9, 2022, sa kanilang condominium sa Jalan Utara.
Batay sa desisyon ni Justice Celestina Galid, napatunayan ng prosecution ang kaso beyond reasonable doubt sa ilalim ng kanilang Penal Code, na saklaw ang dahilan ng pagkamatay na walang intensyon.
Sa hatol, kinilala ng judge na hindi premeditated o hindi sinadya ang nasabing insidente at walang kaysaysan ng domestic violence ang akusado.
Subalit, iginiit niya ang mabigat na resulta, ang pagkamatay ng asawa at ang sanggol sa kanyang sinapupunan.
Sa mitigation, sinabi ng depensa na nagsisisi ang lalaki, nakipagtulungan sa mga pulis, at nangyari ang insidente na walang intensyon na patayin ang biktima.
Napakinggan sa korte na walang senyales ng pagsakal, subalit may nakitang injuries sa ilong, bunganga at leeg ng babae.
Idiniin ng prosecution na ang dahilan ng pagkamatay ng babae ay asphyxiation sa pamamagitan ng pagtakip sa kanyang ilong at bunganga, at may senyales na sinubukan ng babae na lumaban para mabuhay.
Ipinunto din ng prosecution na si Dr Azma, isang emergency doctor sa Duchess of Kent Hospital sa Sandakan, ay namatay sa mismong mga kamay ng kanyang asawa.
May 23 na testigo ang prosecution sa panahon ng paglilitis, habang ang depensa ay iprinisinta ang akusado at isang forensic consultant.