
Patay ang isang lalaki matapos na banggain ng isang pick-up sa Barangay Alimannao, Peñablanca, Cagayan kaninang umaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PCAPT Bernard Guya, ng Peñablanca Police Station, binabaybay ng 20-anyos na driver ng pick-up ang lansangan sa nasabing lugar at papunta sana sa Barangay Larion Bajo, Tuguegarao City.
Sinabi ng mga saksi, bago ang insidente, nagpagewang-gewang umano ang pick-up nang mabangga nito ang nakaparadang tricycle sa gilid ng daan.
Agad din umano na kinabig ng suspek ang manibela pakaliwa, kung saan nabangga nito ang isang SUV na nasa kabilang linya ng kalsada hanggang sa mabangga ang nagjo-jogging na biktima.
Pumailalim pa ang biktima sa sasakyan na dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.
Dumiretso pa ang pick-up sa harapan ng isang sari-sari store, kung saan nabutas ang tubo ng tubig.
Idinagdag pa ng pulisya na hinihintay na ang resulta ng medical examination sa driver ng pick-up upang malaman kung siya ay nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin nang mangyari ang insidente.
Nabatid din kay Guya na hindi naman nasaktan ang dalawang sakay ng pick-up.
Ayon kay Guya, galing ang pick-up sa downtream at nagmamadali umano ang driver dahil may hinahabol na oras.
Sinabi niya na desidido ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaso laban sa driver ng pick-up.
Ayon sa kanya, inaalam pa nila ang kabuuang halaga ng danyos sa nasabing insidente.