TUGUEGARAO CITY-Kasalukuyan nang inaalam ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng isang lalaki na namatay maging ang kasama nito na kritikal sa pagamutan matapos sumalpok ang kanilang sinakyang motorsiklo sa kasalubong na sasakyan, kagabi.

Batay sa paunang imbestigasyon ng PNP-Tuguegarao, binabaybay ni Bryan Nathaniel Cauilan, DPWH-Engineer ang kahabaan ng Brgy Leonarda sa lungsod, gamit ang kanyang sasakyan nang biglang salpukin siya ng mga biktima lulan ng kanilang motorsiklo.

Nagtamo ng malubhang sugat sa katawan ang isa sa mga biktima na sanhi ng agarang kamatayan habang kritikal sa pagamutan ang isa pa.

Nabatid na walang suot na helmet ang dalawang biktima ng mangyari ang aksidente.

Sa ngayon, hawak na ng PNP si Cauilan maging ang kanyang sasakyan.

-- ADVERTISEMENT --