TUGUEGARAO CITY-Kalasingan ang nakikitang dahilan ng pananaksak ng isang lalaki sa kanyang nakainuman sa bayan ng Abulug, Cagayan.
Ayon kay PMSG Alexis Gipolio ng PNP-Abulug, dumalo ang biktima na si Bryan Binua, 28-anyos at ang suspek na si Jerry Dabbay, 40-anyos sa isang birthday party ng kanilang kakilala.
Habang nag-iinuman ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa na sanhi ng kanilang suntukan.
Nagulat na lamang ang lahat ng biglang sinaksak ng suspek ang biktima gamit ang kitchen knife sa iba’t -ibang parte ng kanyang katawan.
Nagtamo ng dalawang sugat sa dibdib at dalawa rin sa kanyang tagiliran ang biktima na ngayon ay nagpapagaling na sa pagamutan.
Nabatid na hindi nagawang awatin ng mga tao sa lugar ang suspek sa pananaksak dahil sa bilis ng pangyayari.
Samantala, sugatan din ang suspek na ngayon ay nagpapagaling na sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) matapos paluin sa ulo ng biktima gamit ang isang matigas na bagay bago ito masaksak.