Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na teknikal na aspeto ay walang nilabag na election laws ang isang kasalukuyang opisyal ng Negros Oriental na nag-viral ang video na naghagis ng P500 bills sa isang pagtitipon.
Sinabi ni Comelec chairman George Erwin Garcia na hindi saklaw ng election laws ang ginawa ng nasabing opisyal na isa ring kandidato sa halalan sa buwan ng Mayo.
Idinagdag pa ni Garcia na ang isang lokal na opisyal ay hindi pa maituturing na kandidato kundi aspirant pa lamang dahil sa hindi pa nagsisimula ang campaign period sa local officials.
Tinukoy din niya ang desisyon ng Supreme Court, o ang Peñera Doctrine, na nakasaad na ang isang tao na naghain ng certificate of candidacy ay maituturing lamang na kandidato kung nagsimula na ang campaign period, kaya hindi pa sila saklaw ng election laws.
Gayunpaman, sinabi ni Garcia na maaaring maghain ng reklamo ang mga residente o ang Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa nasabing lokal na opisyal.