
Wala nang inaasahang pagtataas ng yellow at red status sa mga grid sa bansa ngayong araw ng Sabado, May 16.
Sa abiso mula sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), normal na ang kondisyon ng Luzon, Visayas, at Mindanao grids.
Ito ay matapos ang tatlong araw na magkakasunod na alerts sa Luzon at Visayas grids.
Ibig-sabihin nito, walang ipatutupad na Manual Load Dropping (MLD) na nakaaapekto sa mga power systems.
Nitong mga nagdaang araw, nagkaroon ng forced outages habang ang ilang distributors at cooperatives ay nagpatupad na ng rotational brownouts.
Sabi ng NGCP, ang available capacity ay aabot na sa 14,276MW, mula sa peak demand na 10,763MW.
Inaasahan namang magiging stable pa hanggang bukas, araw ng Linggo, ang supply.
Una nang pinakilos ng Department of Energy (DOE) ang Grid Reliability Task Force para maimbestigahan ang aberya sa ilang mga transmission lines, kabilang na ang sa Ilijan transmission lines.
Patuloy naman ang payo ng NGCP sa publiko at mga konsyumer na maging maingat at matipid sa paggamit ng kuryente.










