Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na maaaring maapektuhan ang suplay ng tubig sa Metro Manila kung magpapatuloy ang pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam sa Bulacan.

Ayon sa ahensya, mas mababa kaysa karaniwan ang dami ng ulang naitala ngayong Hunyo. Hanggang Hunyo 20, umabot lamang sa 120 millimeters ang kabuuang pag-ulan sa bansa, na katumbas ng halos kalahati ng normal na inaasahan para sa buong buwan.

Patuloy na minomonitor ng PAGASA ang kalagayan ng Angat Dam dahil kapag bumagsak ang lebel nito sa 160 metro, posible nang magkaroon ng kakulangan sa suplay ng tubig para sa mga consumer.

Samantala, isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Puerto Galera dahil sa lumalalang problema sa kakulangan ng tubig na ilang buwan nang nararanasan ng mga residente.

Apektado ng krisis ang 11 sa 13 barangay ng bayan, at may ilang komunidad na tuluyan nang nawalan ng suplay ng tubig. Ayon sa lokal na pamahalaan, nakadagdag sa problema ang epekto ng El Niño at pagtaas ng bilang ng mga gumagamit ng tubig.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila ng sitwasyon, tiniyak ng tourism office ng Puerto Galera na tuloy-tuloy at normal pa rin ang operasyon ng mga hotel, resort, restaurant, at iba pang negosyong nakasalalay sa turismo.

Bilang paghahanda upang maiwasan ang kaparehong suliranin sa Metro Manila, nagsasagawa na ng mga hakbang ang National Water Resources Board upang matiyak ang sapat na suplay ng tubig. Kabilang sa kanilang mga hakbang ang paghanap ng alternatibong mapagkukunan ng tubig gaya ng mga deep well, tubig mula sa Laguna de Bay, at mga water treatment facility sa Parañaque at Cavite.