TUGUEGARAO CITY-Magkakasunod na naaresto ng pulisya ang tatlong magkakapatid dahil sa umanoy paulit-ulit na panggagahasa sa menor de edad na anak at stepdaughter ng isa sa mga suspek sa liblib na lugar sa bayan ng Baggao, Cagayan.

Sa bisa ng arrest warrant ay dinakip ng pulisya ang magkakapatid sa kasong incest rape.

Ayon kay PCAPT Jackelyn Urian, deputy chief of polic ng PNP-Baggao, unang biktima ng panggagahasa ng 34 anyos na amain ang kanyang stephdaughter na nagsimula noong 2014.

Maliban sa amain ay hinalay din umano ng 29 anyos na tiyuhin ang biktima na nagsimula noong 9-anyos pa lamang at tumagal ng hanggang 2016 kung saan hindi na mabilang kung ilang beses siyang pinagsamantalahan.

-- ADVERTISEMENT --

Bagamat nalaman ng kanyang ina ang ginagawang pang-aabuso sa kanyang anak ay hindi naman ito nakapagsumbong dahil sa takot at sa kahihiyan kung kaya nagdesisyong ilayo ang anak at manirahan na lamang sa ibang rehiyon.

Aniya mananahimik na lang sana siya subalit nang mabalitaan noong 2022 na ginagahasa rin daw ng kanyang kinakasama ang kanilang 6 taong gulang na anak, kasama ang isa pa niyang tiyuhin na edad 20-anyos na nagsimula noong 2017 ay nagpatulong na ito sa lokal na pamahalaan kung saan sila nanirahan at agad namang nakipag-ugnayan sa LGU-Baggao at DSWD.

Hindi aniya nito inakala na gagawin ng magkakapatid na abusuhin ang iniwang anak dahil kadugo nila ito.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng isang residential care facility o haven sa ibang rehiyon ang dalawang biktima.