
Yumanig ang magnitude 5.0 na lindol sa Maguindanao del Sur nitong Sabado ng gabi, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS.
Naitala ang lindol alas-7:25 ng gabi kung saan natukoy ang epicenter nito siyam na kilometro hilagang-kanluran ng General Salipada K. Pendatun, Maguindanao del Sur, na may lalim na 18 kilometro.
Ayon sa PHIVOLCS, inaasahan ang posibleng pinsala at mga aftershock matapos ang pagyanig.
Naitala ang Intensity V sa General Salipada K. Pendatun sa Maguindanao del Sur, gayundin sa M’lang, Cotabato; Tantangan, South Cotabato; at President Quirino, Sultan Kudarat.
Samantala, Intensity IV naman ang naramdaman sa ilang bahagi ng Maguindanao del Sur, South Cotabato, Sultan Kudarat, Cotabato, at Sarangani.
Patuloy namang minomonitor ng PHIVOLCS ang sitwasyon kasunod ng lindol.










