photo credit: PNP Sta. Ana

Nahaharap sa patung-patong na kasong paglabag sa RA 10591 o pag-iingat ng iligal na baril na may kaugnayan sa umiiral na COMELEC Gun Ban, RA 9165 o paggamit ng iligal na droga at PD 1602 o iligal na pagsusugal ang isang magsasaka sa brgy. Centro, Sta. Ana, Cagayan.

Kinilala ang suspek na si Starly Dela Cruz, 51 anyos, may-asawa at residente sa nasabing lugar.

Ayon kay PCPL AC Bryale Tagayuna, imbestigador ng PNP Sta. Ana, nahuli si Dela Cruz sa bisa ng ipinalabas na search warrant ng korte matapos na manmanan ang iligal na gawain ng suspek.

Nakuha sa mismong bahay nito ang hindi lisensyadong isang homemade Caliber 45, tig-tatlong bala ng caliber 38 at caliber 45, limang bala ng caliber 22.

Sa paghahalughog pa ng mga otoridad ay nakumpiska din sa kanya ang tatlong sachet ng marijuana at iba pang drug paraphernalia tulad ng foil strip, lighter, paper pipe at barahang ginagamit sa pagsusugal.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at maging ang mga nakuhang ebidensya na gagamiting ebidensya sa isinampang kaso nito.