
Kasalukuyan na ang case build-up laban sa posibleng mga cultivator ng nadiskubre na malawak na marijuana plantation sa Sitio Gunot, Barangay Kimbutan, Dupax Del Sur, Nueva Vizcaya.
Sinabi ni PMaj. Anthony Ayungon, hepe ng PNP Dupax del Sur, bagamat wala silang nadatnan na cultivator sa lugar, may person of interest na sila at patuloy na nangangalap ng mga ebidensiya sa pagsasampa ng kaso.
Kasabay nito, sinabi ni Ayungo na isang residente ang nagbigay sa kanila ng impormasyon sa kinaroroonan ng nasabing marijuana plantation.
Dahil dito, agad silang nagsagawa ng briefing kasama ang iba pang awtoridad at nagsagawa ng operasyon.
Nakita nila ang mga namumulaklak na mga marijuana at nursery.
Umaabot sa mahigit P20 million ang binunot at sinunog na mahigit 10,000 na marijuana plants sa nasabing lugar.
Sinabi ni Ayungo, patuloy silang magsasagawa ng monitoring sa mga posible pang plantation sites sa kanilang nasasakupan.










