Inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na pera ang pangunahing motibo ng tatlong Pilipinong pinaghihinalaang nagsagawa ng espionage activities para sa China.

Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tumatanggap umano ang mga suspek ng bayad na umaabot sa apat hanggang anim na digit kapalit ng sensitibong impormasyon, bukod pa sa mga bonus mula sa kanilang Chinese handlers.

Sinabi ni Trinidad na ipinapadala ang bayad sa pamamagitan ng digital wallets o kaya ay idinadaan sa mga food courier.

Ibinunyag din niya na isa sa mga suspek ang nakonsensya matapos masaksihan ang insidente kung saan bumangga ang isang barko ng China sa barko ng PCG na ikinasugat ng ilang Pilipinong tauhan.

Samantala, may isang opisyal ng Philippine Navy na nag-ulat sa mga awtoridad matapos umanong tangkaing i-recruit ng isang babaeng dayuhan na humihingi ng sensitibong impormasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa PCG, ang umano’y recruitment ng mga Pilipinong may kaugnayan sa military ay nangyari kasabay ng iba pang kaso ng hinihinalang espionage ng China sa bansa, kabilang ang mga isyu na may kinalaman kay Alice Guo, ang “Palawan 5,” at ang mga naarestong indibidwal sa Grande Island at Chiquita Island.

Sinabi naman ng National Security Council (NSC) na natigil na ang operasyon ng mga suspek matapos matuklasan ang kanilang lihim na komunikasyon gamit ang isang gaming application.

Mariin namang itinanggi ng Chinese Embassy sa Maynila ang mga paratang. Ayon kay Embassy spokesperson Ji Lingpeng, gawa-gawa lamang ang mga alegasyon at iginiit na sumusunod ang China sa prinsipyo ng hindi pakikialam sa internal affairs ng ibang bansa.