Personal na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Education Secretary Sonny Angara ang mga nasirang pampublikong paaralan sa General Santos City kasunod ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.

Kasama rin sa pagbisita si Public Works Secretary Vince Dizon upang tiyakin ang kalagayan ng mga imprastraktura at ang tuloy-tuloy na rehabilitasyon ng mga apektadong paaralan.

Dumalaw ang grupo sa Romana C. Acharon Central Elementary School at General Santos City National High School upang alamin ang pinsala at mga hakbang para sa agarang pagkukumpuni.

Ayon sa Department of Education, layunin ng inspeksyon na matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro at mapabilis ang pagbabalik-operasyon ng mga paaralan.

Sinabi ni Angara na patuloy ang assessment at validation ng mga apektadong eskwelahan habang isinasagawa na rin ang paghahanda para sa agarang rehabilitasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa datos ng DepEd, mahigit 1,000 paaralan sa iba’t ibang rehiyon ang naapektuhan ng lindol, kung saan nagpapatuloy pa rin ang damage assessment at clearing operations.

Tiniyak ng pamahalaan na prayoridad ang ligtas na learning spaces habang isinusulong ang mabilis na pagkukumpuni ng mga nasirang pasilidad.