Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nais niyang magkaroon ng mas aktibong papel sa pamahalaan si dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr.

Ayon sa Pangulo, patuloy na tumutulong si Abalos sa administrasyon sa impormal na paraan kahit nagbitiw ito sa puwesto noong 2024 upang tumakbo sa pagka-senador sa halalan noong 2025.

Sinabi ni Marcos na bukas siyang mabigyan si Abalos ng opisyal na tungkulin sa pamahalaan, ngunit nilinaw niyang hindi nangangahulugan ito na kailangang palitan ang sinumang kasalukuyang miyembro ng Gabinete.

Binigyang-diin din ng Pangulo na maayos ang pagtutulungan ng mga kasalukuyang opisyal ng kanyang Gabinete.

Si Abalos ay nagsilbing DILG secretary mula 2022 hanggang 2024 bago siya pinalitan ni kasalukuyang DILG Secretary Jonvic Remulla. Bahagi rin siya ng senatorial slate ng administrasyon noong 2025 ngunit nabigong manalo matapos pumuwesto sa ika-16 na lugar.

-- ADVERTISEMENT --