Umiiyak na hinarap ni actress Maris Racal ang kanyang cheating scandal kay Anthony Jennings, na nagsimula nang isiwalat ng ex-girlfriend ng aktor na si Jamella Villanueva ang kanilang flirty conversations sa social media.
Sa isang panayam, kinumpirma ni Maris ang mga tsismis tungkol sa pangangaliwa nila ni Jennings.
Sinabi niya na nagkamali siya at humihingi siya ng tawad sa lahat ng kanyang mga nagawa.
Ayon sa aktres, nagsimula ito noong Hunyo ngayong taon, noong panahon na siya ay nasa madilim umano na lugar.
Sinabi niya na malungkot siya noon at nakukuha niya ang atensiyon na gusto niya kay Jennings.
Ayon sa kanya, nang maramdaman niya na may nabubuo na attraction na sa pagitan nila ni Jennings, nadala umano siya sa kanyang emosyon at alam niya na mali ito.
Iginiit niya na hindi siya nagmalinis at tinapos na niya ang kanyang relasyon kay singer Rico Blanco.
Sinabi niya na inamin niya lahat kay Blanco at saka sila naghiwalay.
Ayon sa kanya, hindi ito naging madali para sa kanya.
Kasunod nito ay sinabi niya kay Jennings na nakipaghiwalay na siya kay Blanco at ganito rin ang sinabi sa kanya ng aktor.
Sinabi niya na iginigiit sa kanya ni Jennings na siya ay “single.”
Naalala pa ni Maris na patuloy siyang nagtrabaho habang hinaharap ang breakup nila ni Blanco, at sa mga panahon na yun ay kasama niya si Anthony.
Ayon sa kanya, dito na nahulog ang kanyang loob kay Jennings.
Lalo umanong lumalim ang kanilang samahan ni Jennings sa kanilang trip sa Italy noong Setyembre.
Nang bumalik sila mula sa Italy, nakita niya ang Tiktok reposts ni Jamella tungkol sa panloloko.
Kaugnay nito, sinabi ni Maris na nagulat at nahihiya siya nang mabasa niya ang screenshots ng kanilang private conversations ni Jennings na ipinost ni Jamella sa social media.
Ayon sa kanya, ilang ulit niyang binasa ang screenshots.
Sinabi niya na dito lamang niya napagtanto na hindi pa hiwalay sina Jennings at Jamella.
Ayon sa kanya, wala siyang kaalam-alam na sila pa rin ni Jamella kaya hindi umano siya makapaglabas ng statement tungkol sa kanilang dalawa.
Kasabay nito, sinabi niya na susubukan niyang mag-move-on sa kabila ng sakit kanyang nararamdaman ngayon.
Idinagdag pa niya na tao lang din siya na nagkakamalaki, kaya humihingi siya ng paumanhin sa mga tao na kanyang nasaktan.