
Napaigting ang koordinasyon ng national at local government units sa Albay matapos ang ashfall mula sa Mayon Volcano na nakaapekto sa mga bayan ng Guinobatan at Camalig.
Sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., agad na pinakilos ang iba’t ibang ahensya upang sabay-sabay tugunan ang epekto ng pag-aalburuto ng bulkan sa kalusugan, imprastraktura, at kabuhayan ng mga residente.
Sa ground operations, pangunahing hamon ang pag-alis ng makapal na abo sa mga kalsada na nakakaantala sa biyahe ng mga sasakyan at pagpasok ng tulong. Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kailangang agad itong alisin dahil maaari itong tumigas at magdulot ng mas matagal na abala sa transportasyon.
Sa sektor ng kalusugan, nagpadala ang Department of Health (DOH) ng N95 masks at nag-deploy ng mobile clinics para sa mga residente na nakararanas ng iritasyon sa mata at respiratory issues. Naglagay din ng water stations sa mga apektadong komunidad.
Kasabay nito, nagsagawa ng ash clearing at water-spraying operations ang Bureau of Fire Protection (BFP) upang makatulong sa paglilinis ng mga lugar na natabunan ng abo.
Patuloy ang pagbabantay ng Office of Civil Defense at National Disaster Risk Reduction and Management Council sa sitwasyon, lalo na sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng lahar kapag umulan.
Nag-preposition din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mahigit 300,000 food packs sa Bicol Region para sa mga evacuees at pamilyang apektado.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nananatili sa Alert Level 3 ang Mayon dahil sa patuloy na volcanic activity kabilang ang lava flows at volcanic earthquakes.
Sa gitna ng sitwasyon, binigyang-diin ng mga awtoridad ang kahalagahan ng mabilis na pagtutulungan ng national at local government upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang mas malawak na pinsala.










