
Nagtala ng mahinang explosive activity na may kasamang pagbuga ng lava ang Mayon Volcano nitong Huwebes ng gabi, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Sinabi ng OCD na nagsimula ang tinatawag na strombolian activity bandang 6:58 p.m., kasunod ng naunang dalawang lava effusion na naitala noong Miyerkules.
Patuloy na nasa ilalim ng Alert Level 3 ang Bulkang Mayon, na nangangahulugang mayroong mataas na antas ng unrest at mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometer Permanent Danger Zone.
Nagpaalala rin ang mga awtoridad sa civil aviation na iwasan ang paglipad malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa posibleng pagbuga ng abo na maaaring magdulot ng panganib sa mga eroplano.
Ayon sa mga ulat, patuloy na mino-monitor ng mga ahensya ng pamahalaan ang aktibidad ng bulkan habang nananatiling nakaalerto ang mga komunidad sa paligid nito.










