
Parehong bumaba ang tiwala ng publiko kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.
Batay ito sa resulta ng Tugon ng Masa nationwide survey ng OCTA Research na isinagawa nitong July 4 hanggang 11 na nataon sa pagsisimula ng impeachment trial sa Senado at ilang araw bago ang ikalimang State of the Nation Address (SONA).
Ayon sa OCTA, bumaba ang trust ratings ni PBBM sa 49% mula sa 54% noong Marso.
Habang mas malaki ang ibinaba ng performance ratings ng pangulo na nasa 47% mula sa dating 55%.
Samantala, walong porsyento naman ang ibinaba ng trust ratings ni VP Sara na nasa 47% mula sa 55% noong Marso.
Bumaba rin sa 45% ang kaniyang performance rating o mga nasisiyahan sa kaniyang pagtatrabaho kumpara sa dating 50%.
Ito na anila ang pinakamababang trust at performance ratings na naitala para kay VP Sara.
Sinabi pa ng OCTA na kung susumahin, hindi nakuha ng dalawang pinakamataas na opisyal ng pamahalaan ang tiwala ng mayorya ng mga Pilipino.
Nasa 1,200 respondents edad 18 pataas ang tinanong sa survey na may ±3% margin of error sa 95% confidence level.










