Aabot sa rekord na P147.15 bilyon ang kita na inaasahang ire-remit ng mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) sa pambansang kaban ngayong taon, ayon sa Department of Finance (DOF).

Sinabi ng DOF na umabot na sa P140 bilyon ang naipapasok sa National Treasury, habang inaasahang maibibigay ang natitirang halaga bago matapos ang taon.

Mas mataas ito ng 29 porsyento kumpara sa naitalang dibidendo noong nakaraang taon.

Ayon kay Finance Secretary Frederick Go, mahalagang katuwang ang mga GOCC sa pagpapalakas ng kita ng pamahalaan at sa pagpopondo sa mga prayoridad na programa tulad ng imprastraktura, edukasyon, kalusugan, at iba pang proyektong magpapasigla sa ekonomiya.

Sa ilalim ng Republic Act No. 7656 o Dividend Law, kinakailangang i-remit ng mga GOCC ang hindi bababa sa 50 porsyento ng kanilang taunang netong kita sa pambansang pamahalaan.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, hiniling ng DOF sa mga GOCC na itaas ito sa 75 porsyento upang higit pang mapalakas ang fiscal position ng bansa at madagdagan ang non-tax revenues.

Kabilang sa pinakamalalaking nag-ambag ng dibidendo ang Bangko Sentral ng Pilipinas, Land Bank of the Philippines, Philippine Deposit Insurance Corporation, Manila International Airport Authority, Philippine Amusement and Gaming Corporation, at Philippine Ports Authority.