TUGUEGARAO CITY- Kalmado umano ngayon ang sitwasyon sa Russia sa gitna ng mga pangamba ng US na sasakupin ang Ukraine.

Sinabi ni Alma Arcilla, Bombo International News Correspondent sa Moscow na payapa ang sitwasyon at nasa mabuti ang kanilang sitwasyon.

Ayon sa kanya, hindi naman nagkukulang ang embahada ng Pilipinas sa Russia sa pagbibigay sa kanila ng advisory kung saan ay pinapayuhan sila na huwag makisali anomang aktibidad na may kinalaman sa tension sa pagitan ng Russia at Ukraine.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, sinabi niya na tiniyak sa kanila ng embahada na handa ang mga chartered flights kung sakali na magkagiyera sa pagitan ng dalawang bansa.

Sinabi pa ni Arcilla, bagamat may pangamba ay naniniwala sila na hindi magsasagawa ng invasion ang Russia sa Ukraine.

Samantala, sinabi ni Joy Fernandez Tolentino, BINC sa Ukraine na sinabihan ng POLO sa Poland at consulate ang mga Pinoy sa Ukraine na ang mga gustong bumalik ng Pilipinas ay bukas na ang deadline para sa pagpasa ng kanilang mga dokumento upang maiproseso ang kanilang visa at mabilhan sila ng plane ticket.

Ayon sa kanya, may ilang Pinoy na may mga anak ang pinoproseso na ang kanilang mga papeles para sa kanilang repatriation.

Sinabi niya na hindi siya uuwi dahil sa nangako naman ang kanyang employer na isasama siya kung saan sila pupunta kung sakaling lumala ang tension sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Gayonman, sinabi niya na sa ngayon ay payapa ang sitwasyon sa Ukraine.