Posibleng madagdagan pa sa mga susunod na araw ang bilang ng mga opisyal at indibidwal na masasampahan ng kaso kaugnay ng mga umano’y anomalya sa flood control projects habang patuloy na sinusuri ng mga otoridad ang mga ebidensiya.

Ito ang inihayag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon kasabay ng pagbibigay-diin na nananatiling gabay ng pamahalaan ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sundan kung saan man dalhin ng ebidensiya ang imbestigasyon at papanagutin ang lahat ng mapatutunayang sangkot sa mga iregularidad.

Ginawa ni Dizon ang pahayag sa kanyang pagbisita at pag-inspeksiyon sa Oplan Kontra Baha project sa Tuguegarao City, nang hingan siya ng reaksiyon kaugnay sa pagsasampa ng kaso at pag-isyu ng arrest warrant ng Sandiganbayan laban kina Senator Jinggoy Estrada at dating DPWH Secretary Manuel Bonoan dahil sa umano’y pagkakadawit sa malawakang flood control scandal sa bansa.