
Ipinakukunsidera ni Senator Chiz Escudero sa mga pribadong kumpanya ang 4-day work week matapos ianunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatupad ng naturang working arrangement sa mga government employees para maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng gulo sa Middle East.
Binigyang-diin ni Escudero na ang maagang pag-aksyon, dahil sa inaasahang posibleng epekto ng krisis sa Gitnang Silangan, ay makapagpapalakas sa katatagan ng bansa sakaling tumindi pa ang tensyon.
Ayon sa senador, ang nasabing flexible arrangements ay makakatulong para mabawasan ang araw-araw na demand sa transportasyon, mabawasan ang operating costs ng mga kumpanya, magbigay ng kaunting ginhawa sa mga manggagawa, at maibaba ang bilyong pisong maaaring mawala sa kita ng bansa dahil sa matinding traffic.
Partikular na hinihimok ni Escudero ang mga private companies sa Makati at Bonifacio Global City (BGC) na i-explore ang flexible setups upang mabawasan ang peak-hour congestion sa lugar.
Hinikayat din ng mambabatas ang publiko na makiisa sa energy conservation sa pamamagitan ng pagbibisikleta kung malapit lamang ang pupuntahan, carpooling, at mga hakbang sa pagtitipid ng kuryente sa mga tahanan.










