Nagtipon-tipon ang mga supporter ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kasama si Davao City Mayor Sebastian Duterte sa harap ng bahay ng dating pangulo kasunod ng mga ulat na may magsasagawa ng raid doon.
Sinabi ni Sebastian na may natanggap siyang impormasyon na papasukin daw ang kanilang bahay.
Ayon kay Sebastian, wala namang problema kung gusto nilang tignan ang loob ng kanilang bahay, subalit wala umano siyang tiwala sa liderato ngayon ng Philippine National Police (PNP).
Binigyang-diin niya na mahalaga na alam nila ang kanilang karapatan.
Sinabi niya na agad siyang bumalik sa Davao City at pumunta sa bahay ng kanyang ama nang marinig niya ang plano umano na pagsalakay sa kanilang bahay.
Idinagdag pa ni Sebastian na ang unang impormasyon ay puntirya ng raid ang kanyang bahay at kanyang mga kapatid.
Subalit may nakuha umano silang beripikadong impormasyon na may inilabas na search warrant na target ang bahay ng kanyang ama, kasama na ang kaniyang mga bahay at nang kanyang mga kapatid.
Binigyang-diin niya na ang nasabing hakbang ay panghihimasok sa kanilang pribadong lugar at hindi nila alam kung ano ang intension ng planong hakbang.
Kaugnay nito, mariing pinabulaanan ng Police Regional Office 11 na may plano na magsagawa ng raid sa bahay ng dating pangulo.