
Nagtipon ang mga tagasuporta ng pamilya Duterte sa harap ng Korte Suprema upang hilingin ang agarang aksyon sa mga petisyon kaugnay ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte at pagbabalik ni dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa International Criminal Court.
Ayon sa mga nagprotesta, nakabinbin pa rin ang mga petisyong inihain para sa pansamantalang pagpapatigil ng impeachment proceedings at para sa pagbabalik ni FPRD na kasalukuyang nasa The Hague dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs.
Hinimok din nila ang Korte Suprema na aksyunan ang mga nasabing petisyon, habang iginiit na hindi solusyon sa kahirapan at kagutuman ang impeachment.
Matatandaang pinagsama-sama na ng Korte Suprema ang mga petisyon at inatasan ang House of Representatives at House Justice panel na magsumite ng kanilang komento.
Sa protesta, nanawagan din ang grupo sa pamahalaan na tutukan ang pagtaas ng presyo ng langis, kabilang ang pagsuspinde ng VAT at excise tax at pagrepaso sa Oil Deregulation Law.
Samantala, ayon sa Department of Energy, posibleng bumaba ang presyo ng diesel, gasolina, at kerosene ngayong linggo.










