TUGUEGARAO CITY- Patay ang isang lalaki habang sugatan ang kanyang misis matapos na bumangga ang kanilang motorsiklo sa isang van sa Luna St., Tuguegarao City kagabi.

Kinilala ni PLT Anazel Bosi, information officer ng PNP Tuguegarao ang namatay na si Ray Francis Gumabay, 33 anyos habang ang kanyang backrider ay ang kanyang misis na si Rose Ann.

Sinabi ni Bosi na sa kanilang paunang imbestigasyon, papunta ng Blumentritt St. sa north direction ang van na minaneho ni Rene Pajarillo, 24 anyos, nang biglang bumangga sa kaliwang bahagi ng sasakyan ang motorsiklo.

Ayon kay Bosi, mabagal naman umano takbo ng van at ang motorsiklo ang mabilis batay din sa kuhang video footage ng CCTV sa lugar.

Dahil dito, tumilapon ang mag-asawa na agad na dinala sa isang pribadong pagamutan subalit idineklarang dead on arrival ang lalaki habang ang kanyang misis ay nasa pagamutan pa.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Bosi na sa ngayon ay hinihintay pa nila kung ano ang magiging desisyon ng misis kung ano ang kanyang susunod na hakbang laban kay Pajarillo.

Ayon naman kay Pajarillo na handa siyang makipag-usap sa pamilya Gumabay.

Nasa kostodiya ng PNP Tuguegarao ang sasakyan ni Pajarillo.