
Maghahain ng kaso ang National Police Commission o NAPOLCOM laban sa vlogger na si Norman Mangusin o mas kilala bilang Francis Leo Marcos kaugnay ng umano’y hindi awtorisadong pagsusuot ng uniporme ng Philippine National Police (PNP).
Sa isang pahayag, sinabi ni NAPOLCOM Commissioner Ralph Calinisan na mariin na nilang binalaan noon pa man na ang uniporme ng PNP ay hindi costume at hindi dapat gamitin sa anumang paraan na magdudulot ng kawalang-galang sa publiko
Ayon kay Calinisan, binalewala umano ni Mangusin ang naturang babala at ginawang katawa-tawa ang uniporme ng ng mga pulis – unipormeng aniya’y may malalim na kahulugan at sakripisyo.
Dahil dito, inatasan ng opisyal ang Legal Affairs Service (LAS) at ang Inspection, Monitoring and Investigation Service (IMIS) ng NAPOLCOM na makipag-ugnayan sa PNP upang magsampa ng kaukulang kaso laban kay Mangusin.
Aniya, ayaw na sana nila itong patulan ngunit idiin niyang huwag na sanang gamitin ang uniporme ng PNP para lamang sa “clout.”










