Binatikos ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang umano’y “deliberate downgrade” o sinadyang pagpapababa ng kasong isinampa laban sa isang pulis ng Quezon City Police District kaugnay ng viral road rage incident sa C5 Road sa Pasig City.

Ayon kay NAPOLCOM Commissioner Ralph Calinisan, haharap sa kasong administratibo at kriminal si Police Staff Sergeant Erwin Lagua ng QCPD District Mobile Force Battalion.

Batay sa imbestigasyon, umano’y pinwersa ni Lagua na sumemplang ang motorsiklo ng rider na si Jhone Vincent Cayanes na nagresulta sa pagkasugat nito at pagkasira ng motorsiklo bago umano tumakas nang hindi tumulong.

Nadismaya si Calinisan dahil “Malicious Mischief” at “Physical Injury” lamang ang isinampang kaso laban sa pulis kahit maaari umano itong masampahan ng frustrated murder.

Sinabi rin niya na ang maling aksyon ng ilang pulis ay sumisira sa tiwala ng publiko sa kapulisan.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, inatasan niya ang Inspection, Monitoring and Investigation Service na magsampa ng kaukulang kaso at ipatupad ang relief order laban kina Police Corporal Benito Catungal, imbestigador ng kaso, at PLTCOL Edison Ouano, hepe ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit.

Iginiit ng NAPOLCOM na walang lugar sa serbisyo ang pagtatakip o pagprotekta sa maling gawain ng kapwa pulis.