Naghain ng reklamo si Ralph Calinisan, Vice Chairman at Executive Officer ng National Police Commission (NAPOLCOM), sa Quezon City Hall of Justice laban kay Norman Mangisin o mas kilala na si Francis Leo Marcos kaninang umaga.

Ang reklamo ay para sa kasong unjust vexation at cyberlibel na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act of 2012 o Republic Act 10175.

Ayon kay Calinisan, nag-ugat ang pagsasampa niya ng kaso laban sa vlogger matapos umano siyang tawagin ng mapang-insultong pangalan.

Aniya, ginagawa lamang niya ang kaniyang tungkulin bilang opisyal ng pamahalaan kaya’t nararapat lamang na panagutin ang sinumang lalabag sa batas.

Ayon sa kanya, ayaw sana niyang humantong sa pagsasampa ng kaso dahil bilang opisyal ng gobyerno ay sanay na siya sa mga batikos mula sa publiko, ngunit may mas malalim umanong dahilan sa likod ng kaniyang hakbang.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi rin niya na ginamit umano ni Mangusin ang kaniyang impluwensya bilang vlogger sa maling paraan at nadamay pa ang ilang ahensya ng gobyerno na napasama sa paningin ng publiko.

Binigyang-diin ni Calinisan na ang kaniyang pagsasampa ng reklamo ay hindi lamang usapin ng paninira sa mga public officials kundi para rin sa mga nabiktima at mga tauhan ng iba’t ibang ahensya na binastos umano ni Mangusin.

Kasama ni Calinisan na nagtungo kaninang umaga si Markus Lacanilao, Chief ng Land Transportation Office (LTO), na naghahanda na rin para sa pagsasampa ng reklamo laban sa naturang vlogger.

Matatandaang pansamantalang nakalaya si Mangusin sa Parañaque City Jail Male Dormitory matapos makapagpiyansa sa kasong unjust vexation.