Sinimulan na ang National Police Commission (Napolcom) ang sarili nitong imbestigasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero sa gitna ng mga pahayag na may ilang pulis ang umano’y sangkot sa nasabing insidente.

Sinabi ni Napolcom Vice Chair and Executive Officer Atty. Rafael Calinisan, dahil sa kaliwa’t kanan ang mga ulat na may mga sangkot na mga pulis sa nasabing kaso, kailangan na nilang mag-imbestiga.

Ayon sa kanya, inatasan na ang kanilang Inspection Monitoring Investigation Service na magsagawa ng imbestigasyon.

Ang imbestigasyon ng Napolcom ay kasunod ng isiniwalat ni alyas “Totoy,” isa sa mga akusado na 20 pulis ang sangkot sa pagdukot sa mga nawawalang sabungero.

Sinabi pa ni Totoy na ilalahad niya ang pangalan ng mga ito sa kanyang affidavit.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa Napolcom, makikipag-ugnayan sila sa ibang law enforcement agencies sa kanilang imbestigasyon.

Ipinaliwanag pa ni Calinisan na habang tutukan ng ibang law enforcement agencies ang kriminal na aspeto ng kaso, pag-aaralan naman ng Napolcom ang paghahain ng kasong administratibo laban sa mga pulis na maaaring sangkot sa kaso.

Sinabi ni Calinisan na bibilisan nila ang pagdinig sa nasabing kaso at tinitiyak na wala silang kukunsintihin.

Idinagdag pa ni Calinisan na kung mapapatunayan na guilty ang mga nasabing pulis, posibleng matanggal sila sa serbisyo.