Posibleng dahil sa kawalan ng komunikasyon sa live-in-partner na nagta-trabaho sa ibang bansa kung kaya nagpakamatay ang 31-anyos na magsasaka sa pamamagitan ng pagbitin sa sarili sa loob ng kanyang kwarto sa Gattaran, Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PSMSGT Edgar Mandac ng PNP-Gattaran na sa kahilingan ng pamilya ng biktima ay hindi na pinangalanan ang nagbigting lalaki.
Ayon kay Mandac, natagpuan ng isang kapit-bahay ang bangkay ng biktima na nakabigti sa loob ng kanyang kwarto gamit ang nylone rope bandang alas dose ng tanghali, kahapon (March 8).
Nabatid na tatlong linggo na umanong walang komunikasyon ang biktima sa kanyang live-in-partner mula nang nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan sa cellphone sa hindi pa mabatid na kadahilanan.
Napuna umano ng kapatid ng biktima ang depresyon nito na posibleng dahilan ng kanyang pagpapakamatay.
Tumanggi na ang pamilya nito na ipa-autopsy ang bangkay sa paniwalang walang foul play sa insidente.