Plano ng National Food Authority (NFA) na limitahan sa 100 sako kada taniman ang pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka.

Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, layunin ng hakbang na ito na mas maraming magsasaka ang makinabang sa programa.

Paliwanag ni Lacson, imbes na isang magsasaka lang ang makinabang, dalawa o tatlo ang makikinabang.

Sa kasalukuyan kasi, may mga magsasakang may higit sa isang ektaryang lupa at nakakabenta ng mahigit 100 sako ng palay sa ahensya.

Naglabas na rin ng utos ang NFA para sa mas transparent na proseso ng pagbili ng palay, kung saan maglalagay ng mga lamesa sa mga bodega ng NFA upang personal na masubaybayan ng mga magsasaka ang kanilang transaksyon.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito, nananawagan din ang ahensya sa mga mambabatas na suportahan ang panukalang batas na magbabalik ng regulatory at market intervention powers ng NFA—mga kapangyarihang anila’y mahalaga upang mapatatag ang presyo ng bigas, maprotektahan ang mga magsasaka, at masiguro ang suplay ng pagkain sa bansa.

Sa kasalukuyang setup, limitado ang kakayahan ng NFA na maglabas ng bigas mula sa kanilang imbentaryo para kontrolin ang pagtaas ng presyo sa merkado.

Kapag naibalik ang kanilang dating mandato, mas mabilis at epektibo silang makakakilos sa panahon ng krisis.