
Dumating sa Senado nitong Martes si Office of the Vice President (OVP) Chief of Staff Zuleika Lopez, matagal nang aide ni Bise Presidente Sara Duterte, bago ang pagpapatuloy ng ikalimang araw ng impeachment trial ng pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Bandang alas-1:00 ng hapon nang dumating si Lopez at agad na nagtungo sa Recto Room, na nagsisilbing holding area ng defense panel. Hanggang sa oras na iyon, wala pang katiyakan kung dadalo rin si Duterte sa pagdinig o bibisita lamang sa kaniyang legal team.
Inaasahang ihaharap si Lopez ng House prosecution panel bilang ikatlong testigo kaugnay ng Article 4 ng Articles of Impeachment, na tumatalakay sa umano’y grave threats at assassination plot laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Nauna nang naglabas ang Senado, na nakaupo bilang impeachment court, ng subpoena ad testificandum laban kay Lopez sa kahilingan ng prosecution panel. Noong Hulyo 9, dumalo rin siya sa Senado upang makipagpulong sa tanggapan ni Senate Secretary at Clerk of Court Renato Bantug Jr. para sa mga usaping inilarawang pangunahing administratibo.










