
Kinumpirma ni OVP Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio sa ika-18 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na siya ang nangangasiwa sa pagpapalabas, paggamit at liquidation ng pondo ng Office of the Vice President.
Ayon kay Ortonio, walang confidential fund ang OVP nang maupo siya sa puwesto noong Hulyo 2022, kaya humiling ang tanggapan ng naturang pondo sa Department of Budget and Management o DBM sa pamamagitan ng liham na may petsang Agosto 22, 2022.
Sinabi ni Ortonio na si Vice President Sara Duterte ang nagtakda ng halagang hiningi para sa confidential funds, na gagamitin umano sa ligtas na pagpapatupad ng mga aktibidad ng Good Governance Program at mga opisyal na engagement sa loob at labas ng bansa.
Gayunman, ipinakita ng prosekusyon na walang kalakip na computation o iba pang attachments ang liham na ipinadala sa DBM.
Ipinakita rin sa pagdinig ang Physical and Financial Plan o PFP na may petsang Setyembre 16, 2022, halos isang buwan matapos isumite ang request para sa confidential funds.
Kinumpirma ni Ortonio na hindi dumaan sa kanyang tanggapan ang naturang dokumento.
Samantala, itinuring na hostile witness si Ortonio ng impeachment trial presiding officer matapos kuwestiyunin ng prosekusyon ang ilang bahagi ng kanyang mga pahayag.
Tinawag naman ng defense panel na “theories” at “sound bites” lamang ang ilang puntong inilahad ng prosekusyon kaugnay ng confidential funds ng OVP.
Ayon kay Atty. Kristine Ferrer, ang 11 puntong binanggit ng prosekusyon ay mga konklusyon at haka-haka na hindi pa napapatunayan sa impeachment court.
Gayunman, sinabi ni Ferrer na sasailalim pa rin sa cross-examination si Ortonio upang mapatunayan o mapasinungalingan ang mga alegasyon ng prosekusyon.










