Umakyat na sa P2 million reward money ang iniaalok ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para matukoy at mapanagot ang mastermind sa pagpaslang kay Rizal, Cagayan Mayor Joel Ruma.

Ito ang pahayag ni Governor Manuel Mamba para makatulong upang makamit ang hustisya at katarungan sa pagpatay sa nabanggit na alkalde ng Rizal, Cagayan.

Kasabay nito, tiniyak ni Mamba ang pagbibigay ng proteksion ng mga awtoridad ng kanyang tanggapan sa makakapagbigay ng lehitimong impormasyon na magbibigay-daan para mahuli ang mastermind sa nasabing krimen.

Matatandaang pinaslang si Mayor Joel Ruma habang nagsasagawa ng campaign rally sa Barangay Illuru Sur noong gabi ng Abril 23, 2025.

Isang tama ng bala ang tumapos sa buhay ng alkalde kung saan pinapaniwalaan ng pulisya na isang professional sniper ang bumaril sa biktima.

-- ADVERTISEMENT --

Idinagdag pa ni Mamba, kailangang mabigyan ng hustisiya at katarungan ang mga biktima ng political killings sa Cagayan.

Ang tinutukoy ng gobernador ang pagpaslang kina Ruma, Brgy. Captain Bernardo Gacuan ng Centro Dos, Enrile, at si Jayson Cacal, ang empowerment officer ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan sa Sto. Niño.

Ang mga nasabing pamamaslang ay naganap nito lamang panahon ng kakatatapos ng 2025 local and national elections.

Sinabi ni Mamba na duda siyang mga miyembro ng New People’s Army ang pumatay sa mga nasabing biktima dahil sa wala na umanong rebelde sa lalawigan.

Ayon sa kanya, mga pulitiko na ang may kakayahang magpapatay umano sa mga kalaban nila sa pulitika.